Sa Pagkulo ng Tubig | by Alexandra Elicano

Kalmado ang tubig. Mapayapa. Matiwasay. Malayo sa trahedya. Nabubuong munti ang tiwala sa kamay ng isang pinunong pagbabago ang pangakong dala. Isang napakagandang simula — madlang naniniwala, ginintuang ekonomiya, at nangungunang bansa. Tila ang lahat ay tumutugma at sumasang-ayon sa isa’t isa. Lingid sa kaalaman ang kapalit na naghihintay; ang kabayaran sa lumalaking utang na pag-asa. 

Sa bawat patak ng tubig ay unti-unting nagugulo ang kinagisnang kapanatagan. Lumalabo ang inaasam na Bagong Lipunan para sa mga Pilipino kung saan ‘di raw matatanaw ang kahirapan, korapsyon, at opresyong sisikil sa potensyal ng bawat mamamayan. Iba na ang ihip ng hangin. Ang bayang pinangakuang paglilingkuran ay siya ring harap-harapang pinagtataksilan. Una, pinagnakawan ng bilyon-bilyong dolyar upang iwanang baon sa utang at kahihiyan. Para lamang sa makasariling kagustuhang maghari-harian ng iilan, hanggang ngayon ay nagbabayad pa rin ang karamihan kapalit man nito ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan. Tatlumpu’t limang taon na ang nakaraan ngunit ang bayan ay sadlak pa rin sa kahirapan. Ikalawa, kinuhanan ng kapangyarihan at tila namanginoon sa napakaraming taon; pumili ng maliligtas at matatabunan ng lupa, kung maswerte ay ‘di lamang maglalaho na parang bula. Kay raming pamilyang naiwang luhaan at maraming katanungan sa isipan; hindi malaman ang dahilan sa pamamaslang ng nangakong maglilingkod sa mga mamamayan. Habang ang kapangyarihan ay wala sa tamang mga kamay, patuloy lamang mananaig ang pang-aabuso’t kaguluhan. Walang katahimikan. Ikatlo, pilit binusalan ang sangkatauhan at kay tagal bago muling nakita ang pula, berde, at asul. Nangibabaw ang iisang bersyon ng katotohanang umaayon lamang sa nakaupo sa trono. Ang kanyang mga salita ay tiyak at ‘di mapasusubalian. Tila pamilyar hindi ba? Napakaraming buhay ang binago ng iisang rehimen sa  dalawampung napakahabang taon. Dilat na ang bayan at sa mga eskinita’y mayroon ng nagbubulung-bulungan. Unti-unti nang napupuno ang takure. 

Sa isang bala ay tila nasindihan ang apoy na naghihintay lamang na masimulan. Pilit itong inapula ng masusunugan sa takot na mawala ang kaniyang ari-aria’t kapangyarihan. Handang baguhin kahit ang reyalidad, mapanghawakan lamang ang nabibilang na araw sa dakilang upuan. Ngunit walang sinumang makatatakas sa hagupit ng sambayanang sama-samang sumusubok na baliin ang paghaharing sakim. Sa pagsapit ng gabi ng isang mapagbagong Sabado, nagsimula nang dumagsa ang mga tao; iba’t ibang etniko, mayama’t mahirap, iisa ang pinaglalaban. Sumikip na sa EDSA. Nagdatingan ang mga naglalakihang armas na handang kumitil sa  humaharang sa daan. Ngunit walang nagpatinag sapagkat ang langit ay dilaw at ang apoy sa kanilang mga puso ay lila. Nakapapaso. Kumukulo na ang tubig.

Binuhos ang lahat sa labang napagpasiyahan na ang nagwagi — ang sangkatauhan. Ngunit ang daan sa tagumpay ay hindi laging maginhawa’t naaayon sa plano. Hindi kayang sukatin ng apat na araw ang isang mahaba at marahas na prosesong humingi ng napakalaking sakripisyo upang maisakatuparan. Marami ang lumaban ngunit hindi lahat ay nanalo. 

Kung tutuldukan na ang nakaraan at isasantabi na lamang bilang isang istoryang noo’y nagbigay-aral, ano na lamang ang kahihinatnan ng dugo’t pawis na binuwis nang kay tagal? Hahayaang malimutan at mabaon ng kasaysayan? Kung isusukong muli ang kapangyarihan sa iisa ay uulit lamang ang walang katapusang kuwento ng bansang para lamang sa pili. Ang lahat ay may kabayaran at ang atin ay kalayaan. Lulubog ang lupang tinubuan at higit na darami ang malulunod.

Sa pagdaan ng panahon, tila lumalamig na magmuli ang tubig na siyang pinaghirapang bigyang init ng mga naghangad ng pagbabago. Hindi pa naisasara ang kabanata. Nagsisimulang muli ang istoryang mayroong pamilyar na pangako na siya ngayo’y pumapako rin sa sambayanan. Hindi masasagot ng iisang rebolusyonaryong pakikibaka ang mga magiging problema ng bansa sa susunod na mga dekada. Hindi  maaaring matuldukan ang nasimulang katapanga’t kaisahan. Maging mulat at dilat sa katotohanan. Huwag hayaang mamatay ang apoy ng nakaraan.

Hindi na maaaring kumalma ang tubig.

Previous
Previous

Behind Our Obsession With Personality Tests | by Akasby Pante

Next
Next

Pixar’s Soul: Living Now and Letting Go | by Jacob Tambunting